CEBU CITY – Sinadya ang pagkasunog ng opisina ng Kabus Padatoon (KAPA)-Community Ministry, Inc. sa Sitio Jaica, Barangay Poblacion, bayan ng Compostela, Cebu.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay SFO1 Gina Labay, Chief Investigator ng BFP-Compostela, sinabi nitong base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, may nakita silang mga container na may lamang gasolina sa labas ng building ng KAPA.
Aniya may 10 armadong kalalakihan ang pumasok sa building, ginising ang nasa 10 tauhan ng KAPA, kinuha ang kanilang mga cellphones at pera.
Dagdag pa nito, pinalabas ng mga nasabing kalalakihan sa building ang mga tauhan at doon binuhusan umano ng gasolina ang second floor at sinindihan.
Una rito, pasado ala-1:00 kaninang madaling araw, isang Michael Edward Dagatan ng Guimbal, Compostela, ang nag-report sa nasabing sunog sa KAPA office kaya agad itong nirespondehan ng mga bumbero.
Natupuk ng apoy ang dalawang palapag na gusali ng KAPA at tinatayang aabot sa P640,000 ang naitalang danyos.
Iginiit ni SFO1 Labay na “robbery with arson” ang nangyaring insidente.
Samantala, pinasalamatan naman ni Compostela Mayor Joel Quiño ang Bombo Radyo dahil sa pagbigay sa kanya ng mga dokumento at siniguro naman nitong magpapatuloy ang kanyang isinampang kaso laban sa KAPA.