CAUAYAN CITY – Nagsagawa ng raid ang pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), Police Regional Office (PRO)-2 , Securities and Exchange Commission, National Intelligence Coordinating Agency Region 2 at Nueva Vizcaya Police Provincial Office sa tanggapan ng KAPA Community Ministry International Incorporated sa Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Atty. Gelacio Bonggat, regional director ng NBI-2,nitong Lunes ng hapon nang isinilbi ang dalawang search warrant dahil sa paglabag sa Securities Regulation Code.
Sinabi ni Atty. Bonggat na maaring nakatunog ang mga empleyado ng KAPA kaya walang nadatnan ang mga otoridad nang isilbi ang search warrant.
Sinamsam ng mga otoridad ang mga ginagamit na operasyon ng KAPA tulad ng computer at iba pang dookumento ng KAPA.
Nakapag-recruit na ng libu-libong miyembro mula sa iba’t ibang lugar sa Region 2 at mga kalapit na lalawigan ang KAPA makaraang magsimula ang operasyon noong Pebrero 2019.
Ayon pa sa nakuha nilang impormasyon sa mga kalapit na tanggapan ng KAPA, araw-araw ay mahaba ang pila ng mga mamamayan na galling sa iba’t ibang lugar sa pagnanais na mag-invest sa naturang grupo.