GENERAL SANTOS CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa pagransak ng ilang miyembro at investors ng Kapa Community Ministry International (KAPA) sa opisina nila sa bayan ng Alabel, Sarangani province.
Nangyari ang insidente isang araw matapos na inaresto ang KAPA founder na si pastor Joel Apolinario at misis nito na si Reyna sa bisa na rin ng warrant of arrest para sa kasong syndicated estafa.
Ayon kay Maj. Roy Yasay, hepe ng Alabel Municipal Police Station, halos wala ng laman ang loob ng opisina matapos na pinasok umano ng galit na galit na mga investors ng KAPA.
Sa inisyal na pag-iimbestiga, kabilang sa tinangay ng hindi nakilalang mga indibidwal ay maging ang toilet bowl, light bulb, paso, galvanized iron, at iba pang mga gamit.
Aniya, naaktuhan pa nila sa labas ng opisina ng KAPA ang ilang investors pero wala na silang narekober pa na mga gamit.
Ang mga nanloob sa tanggapan ay nagsasabing nais lamang nilang mabawi ang kanilang pera na ipinagkatiwala sa KAPA sa pag-asang tutubo ng malaki.
Dahil sa pangyayari may mga pulis nang nakabantay sa labas ng KAPA office para masigurong hindi na mauulit ang panloloob.
Una rito, ang paghuli kay Apolinario ay kasunod nang nangyaring sagupaan sa mansyon nito sa Lingig, Surigao del Sur kung saan nakipagbarilan pa sa mga tropa ng pamahalaan ang kanyang mga tauhan.
Liban sa pastor, kabilang pa sa mga inaresto ay ang umaabot sa 23 niyang mga kasama na sinasabing bahagi ng kanyang private armed group na nakumpiskahan din ng sangkaterbang mga armas.
Naniniwala naman ang isang abogado na si Atty. Rogelio Garcia sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, kahit wala pa raw implementing rules and regulations (IRR) ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay sa kanyang pananaw ay kwalipikado ang KAPA investment scam founder sa naturang kaso dahil nakumpiska sa kanya ang iba’t ibang uri ng high powered firearms at assorted ammunitions.
Ito aniya ay nagpapakita rin daw na pag-aalsa laban sa kapangyarihan ng mga otoridad at sa mga umiiral na batas.