TACLOBAN CITY – Nagsagawa ng operasyon nitong Lunes ng hapon ang National Bureau of Investigation (NBI) kasama ang Eastern Visayas Regional Mobile Force Company at Tacloban City Police Office laban sa Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International Inc.
Ito ay kaugnay sa naging kautusan ni Presidente Rodrigo Duterte na ipasara na operasyon ng KAPA ni Pastor Joel Apolinario.
Dala ang search warrant, ay puwersahang binuksan ang opisina ng KAPA sa Marasbaras, Tacloban City, kung saan dalawang security ang naroon nang isagawa ang operasyon.
Kinuha ng mga personnel ng NBI ang ilang mga dokumento sa loob ng opisina ng KAPA pati na rin sa katabing mga silid nito.
Sa ngayon ay patuloy naman ang ginagawang inventory ng NBI sa mga dokumentong kanilang nakuha.
Ayon kay P/Maj. Rico Isoy, station commander ng San Jose, kanilang sinamahan ang NBI upang masigurong magiging maayos ang kanilang isinagawang operasyon.
Ilang mga miyembro at investors sa KAPA ang agad naman tumungo sa nasabing opisina nang makatunog sa isinagawang raid.