-- Advertisements --

LAOAG CITY – Ikinalulungkot ng opisina ni Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos ang alegasyon ng kanyang dating empleyado na si Miss Levy Jane Molina laban sa ilang empleyado nito.

Si Molina ay nagsilbi ng mahigit isang taon sa opisina ng kongresista.

Sa inilabas na statement ng opisina ni Marcos, natuklasan ng Presidential Security Group na ginamit ni Molina ang nasabing opisina, pati mga ibang empleyado at iba pang indibidual sa pangangalap ng pondo para sa sariling kapakanan.

Natuklasan ito ng Presidential Security Group matapos dumulog ang mga tao sa opisina ng kongresista para singilin ang ipinangakong bayad ni Molina.

Napag-alaman na ang mga nabiktima sa mga hindi otorisadong transaksyon ay plano sana nilang maghain ng reklamong estafa pero nakiusap ang opisina na ipagpaliban muna ito sa pagunawa sa kalagayan ni Molina.

Napag-alaman na sa ngayon ay kasalukuyang nagtatrabaho si Molina sa ilalim ng opisina ni Laoag City Vice Mayor Carlos Fariñas, partikular sa isang warehouse sa nasabing lungsod.

Una rito, ibinulgar ni Molina ang mga umanoy anomalya sa nasabing opisina kung saan inakusahan niya ang ilang empleyado rito na mina-manipulate ang mga tulong na inilatang para sa mga nangangailangan.

Dagdag niya na may ilan pang indibidual na pumupunta sa nasabing opisina para magpatulong pero hindi nabibigyan ng tulong.

Maliban dito, kwinestyun pa ni Molina ang napakababa nitong sweldo bilang consultant sa 1st District Congressional Office dahil walong libong pisos lang umano ang sahod niya kada buwan.