Tahasang itinuro ni Senadora Imee Marcos na ang opisina ng kanyang pinsan na si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang “tiyak” na nasa likod ng umano’y P20 million allocation para sa mga distrito ng mga kongresista upang isulong ang people’s initiative at ang timeline para sa Charter change (Cha-cha).
Ayon kay Marcos, ang opisina ni Romualdez ang nag-alok nang malaking halagang pera sa kada distrito para mangalap ng lagda para sa People’s Initiative at sa tanggapan din ng Speaker nanggaling ang timeline na pagsapit ng July 9 ay tapos na ang lahat.
Nakatakdang magsagawa ng pagdinig ng Senado sa susunod na linggo si Marcos kaugnay sa mga alegasyon ng pagpapapirma sa taumbayan kapalit ng pera.
Dito ay hinimok ni Marcos si Romualdez na dumalo.
Paglilinaw naman ng Senadora na hindi ito sapilitan at kanila pa ring pinapairal ang inter-parliamentary courtesy sa lahat ng mga mambabatas.
Gayunpaman, sinabi ni Marcos na ang mga indibidwal sa likod ng umano’y mga suhol para sa pirma ay dapat matukoy. Maaari rin aniyang humantong ito sa kaso.
Layunin din aniya ng ikakasang imbestigasyon na linawin ang batas sa mga pamamaraan ng people’s initiative.