Sinalakay ng mga awtoridad ang opisina ni South Korean President Yoon Suk Yeol ngayong araw ng Miyerkules.
Ito ay sa gitna ng imbestigasyon sa kaniyang deklarasyon ng martial law.
Isinagawa ng Special Investigation Team ang raid sa presidential office, National Police Agency, Seoul Metropolitan Police Agency at National Assebly Security Service.
Base sa report, ‘wala si Pres. yoon sa kaniyang presidential compound nang ikasa ang naturang raid. Ang kaniyang official residence ay nasa hiwalay na lokasyon. Hindi din ito nagpapakita pa sa publiko mula ng humingi ito ng tawad noong Sabado sa pagdedeklara ng martial law.
Sa ngayon, pinagbawalan si Pres. Yoon na makalabas ng SoKor bilang parte ng insurrection probe sa kaniyang inner circle matapos ang agarang pagbawi o suspensiyon ng martial law noong Disyembre 3.
Una na ngang inaresto si dating defense minister Kim Yong-hyun noong Martes dahil sa pagpapatupad ng martial law. Napaulat naman na tinangka umano ni Kim na magpakamatay sa detention centre matapos siyang arestuhin gamit ang kaniyang underwear.
Nauna ng sinabi ng dating defense minister sa pamamagitan ng kaniyang mga abogado, kaniyang inako ang buong responsibilidad at sinabing sinusunod lamang ng kaniyang subordinates ang kaniyang mga utos at tinutupad lamang ang kanilang mga tungkulin.