VIGAN CITY – Tiniyak ni Ilocos Sur Governor Ryan Luis Singson na haharap sa patung-patong na kaso ang mga opisyal at miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lalawigan.
Ito ay dahil sa mga reklamong nakarating sa opisina ng gobernador hinggil sa pinaniniwalaang extortion activities o pangingikil ng mga nasabing personnel sa kanilang mga hinuhuling kriminal.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ng gobernador na mula noong isapubliko nito ang anomalyang ginagawa ng mga opisyal at miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lalawigan ay marami na umanog mga residente ang lumalapit sa kaniyang opisina upang ibahagi ang pangingikil sa kanila ng mga ito.
Aniya, ang kasong administratibo at kriminal na una nang naihain laban sa mga opisyal at miyembro ng CIDG- Ilocos Sur na pinangungunahan ni Police Major Romeo Gajid ay posibleng madagdagan pa, depende sa mga complainant na lalantad.
Idinagdag pa ng gobernador na iba’t iba rin ang modus ng mga opisyal at miyembro ng CIDG- Ilocos Sur sa kanilang pangingikil kaya tiyak na marami na silang nabiktima na takot lamang lumantad dahil nababahala sila sa kanilang seguridad.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal na bibigyan niya ng proteksyon ang lahat ng mga lalantad na complainant nang sa gayon ay maparusahan ang mga nagkasalang opisyal at miyembro ng CIDG-Ilocos Sur.