Tinawag na ‘welcome development’ ni Department of Education-7 Director Dr. Salustiano Jimenez ang pagpasa ng bagong batas o ang Republic Act 12027 na nagsasaad na itigil na ang paggamit ng mother tongue sa pagtuturo mula kinder hanggang Grade 3.
Sinabi pa ni Jimenez na kahit papaano ay mapagaan ang pasanin ng mga guro kung paano magpaliwanag sa mga bata.
Binanggit pa nito na mayroong 11 variations ang Sinugbuanong Binisaya kaya nagdudulot ito ng hamon sa paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction at magiging mahirap para sa kanila na gumawa ng isang libro.
Inihahalimbawa pa niya ang pagkakaroon ng ilang salitang Bisaya na may iba’t ibang kahulugan sa ilang lugar dito.
Ibinunyag naman ni Jimenez na bago pa maisapinal ang batas na ito, nakipagsapalaran na siya na sa halip na Sinugbuanong Bisaya na aklat ay mas pipiliin pa umano niya ang English o Filipino para sa Kinder hanggang Grade 3.
Handang-handa na rin umano silang ipatupad ito anumang oras.
Samantala, binigyang-diin naman nito na may naitulong naman ang paggamit ng mother tongue sa pagtuturo, gayunpaman, lumilikha umano ito ng kalituhan.