Maging ang opisyal ng embahada ng Pilipinas na nangangasiwa sa pag-alalay sa mga kababayan nating naapektuhan ng Beirut explosion ay hindi rin napigilan ang emosyon nang isalaysay ang nasaksihang pagsabog.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Ph Chage D’Affaires Ajeet Victor Panemaglor, sinabi nitong may idinaraos silang meeting nang maramdaman nila ang pagsabog at shock wave.
Tanaw umano nila mula sa bintana ang pangyayari at labis silang nag-alala sa mga Filipinong malapit sa ground zero.
Kaya naman, labis ang pasasalamat nito nang mabatid na marami ang nakaligtas, lalo na ang mga tumalon patungo sa dagat.
Pero ikinalungkot nito ang natanggap na impormasyon na may ilang Pinoy na binawian ng buhay dahil sa naturang trahedya.
Samantala, tiniyak naman nitong patuloy ang kanilang monitoring sa 33,000 Filipino sa Lebanon, habang nakikipag-coordinate din sila sa pamilya ng mga naitalang nasawi at nasugatan dahil sa pagsabog.