Nangako ang Department of Justice (DOJ) na kanilang uusigin hindi lamang ang mga may-ari at tauhan ng mga barkong lumubog sa karagatan ng Bataan kundi pati na rin ang mga opisyal ng gobyerno na nag-apruba ng seaworthiness ng mga sasakyang pandagat sa kabila ng nakitang “red flag”.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla papanagutin sa batas ang sinumang sumisira sa mga mahahalagang wonders of nature.
Binigyang diin pa ng kalihim na napakahalagang tandaan na ang pagpapairal sa Rule of Law ay hindi lamang aniya limitado sa pagbibigay ng hustisya para sa mga tao, ngunit saklaw din nito ang pangangalaga sa kapaligiran at sa ating likas na yaman para sa paggamit ng mga susunod na henerasyon.
Matatandaan na nagdulot ng perwisyo sa Bataan maging sa kalapit na lalawigan ng Cavite lalo na sa kabuhayan ng mga mangingisda ang malawakang oil spill mula sa lumubog na MT Terranova at MTKR Jason Bradley sa Limay noong Hulyo 25 at sa Mariveles noong Hulyo 27.
Gayundin ang sumadsad na MV Mirola sa Mariveles na nagresulta din ng oil spill.