KORONADAL CITY – Nasawi ang isang opisyal ng rebeldeng NPA at tatlo pang mga kasamahan nito matapos na umano’y manlaban sa mga otoridad nang ma-flagged-down sa isang check point sa bayan ng Lake Sebu, South Cotabato.
Kinilala ng mga otoridad ang mga nasawi na sina Ariel Moca Lasib alias Jenrose at alias Hadi, umano’y second deputy secretary ng Guerilla Front MUSA, Far South Mindanao Region; Johndel Limosnero alias Butod, supply officer; alias Rex and alias Nomer na myembro naman ng unit militia.
Ayon kay Major General Juvymax Uy, JTF Central at 6th ID commander, ang apat na nasawi ay nagsasagawa umano ng extortion activities sa community.
Sakay ang mga ito ng mga motorsiklo nang ma-flagged-down ng security forces mula sa 5th Special Forces Battalion at mga kasapi ng Lake Sebu MPS habang nagsasagawa ng checkpoint sa lugar.
Ngunit sa halip na huminto ay unang nagpaputok ang mga armado sa mga operatiba na nagresulta sa sampung minutong firefight na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Nakuha sa mga ito ang apat na caliber .45 pistol, tatlong improvised explosive device at mga subersibong dokumento.
Kasabay nito, nanawagan naman ang mga otoridad sa mga kasamahan ng mga rebelde na sumuko na sa halip na makipaglaban sa gobyerno.