-- Advertisements --
OWWA

Binigyang diin ni OWWA Administrator Arnaldo “Arnell” Ignacio na hindi lahat ng mga OFWs na namamalagi sa bansang Israel ay gustong umuwi dito sa Pilipinas.

Ginawa ng opisyal ang pahayag, kasunod ng nakakalungkot na pangyayari hinggil sa ilang OFW na nasawi dahil sa kaguluhang sumiklab sa naturang bansa noong nakaraang buwan.

Ayon kay OWWA Administrator Ignacio sa kasalukuyan, aabot sa mahigit 30,000 na mga Pilipino ang nasa Israel ngayon at sa tingin nito ay hindi nais ng lahat ng mga ito na bumalik sa Pilipinas ngayon.

Dagdag pa ni Ignacio, ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas ay nakatuon lamang sa timog na bahagi ng bansa.

Ito ay maihahalintulad rin aniya sa kaguluhan sa Marawi City na kung saan sa isang partikular lamang na lugar nangyayari ang giyera.

Sa kabila nito ay tiniyak ng opisyal na nakatutok sila sa mga kaganapan sa bansa at nakahanda sila anumang oras sakaling may mga Pilipino ang mangailangan ng tulong.