Sisingilin ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa susunod na pagdinig ng Senate Committee on Women and Children si PAGCOR Senior Vice President for Security Retired General Raul Villanueva na pangalanan ang sinabi niyang dating hepe ng pambansang pulisya na nasa monthly payroll mula sa iligal na operasyon ng POGO ni Alice Guo.
Ayon kay dela Rosa sa pulong balitaan, dapat na klaruhin ang tinutukoy na PNP chief na nasa payola ni Guo.
Basta na lamang aniya naglalabas ng impormasyon na wala namang kasamang ebidensya.
Giit ng senador, ito ang unang pagkakataon na narinig niya na may sangkot umanong hepe ng pambansang pulisya sa payola ng POGO.
Samantala, sinabi pa ng senador, nadismaya rin ang mga dating retiradong opisyal ng PNP sa mga alegasyon.
Babala nila, maaring magdulot ito ng demoralisasyon sa hanay ng PNP.
Sabi ni dela Rosa, nagkakaisa ang mga retiradong heneral na nagsabing kung galing lang sa marites ang impormasyon hindi dapat inilalabas sa isang public hearing.
Gayunpaman, dapat managot sa batas aniya kung sakali mang may sangkot na PNP chief na tumanggap ng suhol.