CAUAYAN CITY – Nanguna ang kinatawan ng Pilipinas na si Lt. Jeferson Toribio Marcelo, 30, ng Philippine Navy na mula sa Angadanan, Isabela sa pagkamit ng prestihiyosong parangal makaraang magtapos sa International Surface Warfare Officers School sa Estados Unidos.
Si Marcelo ay nag-aral ng apat na buwan sa International Surface Warfare Officers School at nanguna sa mga nagtapos na mayroong markang 95 percent.
Kasama ni Lt. Marcelo ang iba pang opisyal ng Navy mula sa ibang mga bansa tulad ng Egypt, Malaysia, Mexico, Tunisia, Thailand at Bulgaria.
Pangunahing pinagtutuunan ng mga sumasailalim sa International Surface Warfare Officers School ay ang pagsasanay at pangunahing tungkulin ay nakatuon sa pagpapatakbo ng mga barko ng Navy sa dagat at sa pamamahala ng iba’t ibang mga sistema ng shipboard.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fely Toribio Marcelo, ina ni Lt. Marcelo, sinabi niya na labis-labis ang kanilang kasiyahan sa naabot ng kanilang anak at sobrang proud sila para sa kanya.
Aniya, ang kanyang anak mismo ang nakapagsabi sa kanila tungkol sa kanyang nakamit.
Sa ngayon ay hihintayin muna nila itong makauwi sa bansa bago sila magdiwang lalo na at kaarawan nito sa Hulyo.
Samantala, sa naging panayam naman ng Bombo Radyo kay Lumen Marcelo Bustillos, tiyahin ni Lt. Marcelo, sinabi niya na bago napunta sa Estados Unidos ang kanyang pamangkin ay may dalawa itong pagpipilian kabilang na ang maging aide ng politiko subalit mas pinili nitong sumailalim sa International Surface Warfare Officers School sa Amerika.
Aniya, naging hamon sa kanyang pamangkin ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) dahil maari na sana siyang umuwi subalit mas pinili nitong manatili para sa bansa.
Bukod dito ay mayroon din umano siyang kaklase na pinakiusapan siyang huwag niyang galingan upang ito ang mag number 1.
Sinabi pa ni Bustillos na mula sa pagiging nurse ay napunta sa Philippine Navy ang kanyang pamangkin dahil sa panghihikayat sa kanya ng isang miyembro ng Philippine Navy sa kanilang lugar noon.
Si Lt. Marcelo ay valedictorian noong siya ay nagtapos ng elementarya at sekondarya habang marami ring award noong kolehiyo at second place rin noong nagtapos siya sa Philippine Navy.
Samantala, sa mensahe ni Lt. Marcelo sa naging interview sa kanya sinabi niya na pinagtuunan niya ng mabuti at isinapuso ang mga pagsasanay na kanyang pinagdaanan upang maibahagi rin niya ito kapag nakabalik na siya sa Pilipinas.
Ginawa aniya niya ang lahat ng kanyang makakaya para sa ikararangal ng bansang kanyang pinanggalingan.