KORONADAL CITY – Hindi na Peoples Initiative kundi Politicians Initiative ang ginagawang pangangalap ng prima sa South Cotabato upang isulong pagbabago sa ilang probisyon ng 1987 Philippine Constitution.
Ito ang hayagang tawag ni Atty. Antonio Bendita, bise alkalde ng bayan ng Surallah, South Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon sa kanya, pabor umano siya sa Charter Change sa pamamagitan ng Peoples Initiative dahil napapanahon naman talaga ang pagbabago sa konstitusyon lalo na sa economic provisions.
Ngunit, ang masaklap lamang umano ang ang prosesong ginagawa sa signature campaign dahil sa binibigyan ng pera ang mga tao upang pumirma at pinapangakuan pa ng ayuda at kung ano-anong tulong.
Kaya’t ayon sa kanya hindi boluntaryong lumagda ang mga tao sa halip ay pinangakuan, tinakot at hindi man lang naintindihan kung ano ang kanilang nilagdaan at para sa ano ito.
Dagdag pa ng opisyal, naniniwala siyang may perang gumagalaw para makakalap ng mas maraming lagda ang proponent ng Peoples Initiative dahil sa may mga taong nakatanggap umano ng pera.
Nagpalabas ng kanyang mensahe ang bise alkalde matapos kunan ng reaksiyon ng Bombo Radyo sa reklamo ng ilang mga Job order employee ng local government unit ng Surallah na pinipilit umano silang lumagda kapalit ng pagpapanitili sa posisyon.
Sa ngayon, panawagan ng opisyal sa mga mamamayan sa South Cotabato na maging matalino at mabusisi sa mga ganitong usapin at hindi lamang padadala sa anumang pangako kapalit ng kanilang pirma.
Una rito, pinabulaanan ng ni 2nd district congressman Peter na sa kanyang tanggapan nanggaling ang pera upang makakalap ng mas maraming pirma sa lalawigan.