Inilunsad ng Department of Agriculture kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang Oplan Asin na layuning pataasin ang lokal na produksyon para sa mahusay na kalidad ng asin sa bansa sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga proseso at pagpapabuti ng mga kasanayan sa paggawa ng asin, habang binabalanse ang mga kinakailangan para sa mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain at industrial use.
Ayon sa Philippine Statistics and Authority, ang bansa ay umangkat ng humigit-kumulang 300 milyong kilo ng asin noong 2021.
Ipinapakita ng datos na 92 hanggang 93 porsiyento ng kasalukuyang suplay ng bansa ang inaangkat, habang pitong porsiyento lamang nito ang nagmumula sa mga lokal na producer ng asin. Malayo ito sa 85 porsiyento ng lokal na suplay ng asin sa bansa noong mga nakaraang taon.
Ang nasabing programa naman ay pinondohan ng P200 milyon na inaasahang magbibigay ng magandang resulta sa loob ng dalawang taon.
Samantala, para naman magkaroon ng alternatibong hanapbuhay ang mga mag-a-asin sakaling mahina ang kanilang produksyon, mamamahagi naman daw ang ahensya ng libreng bangka.