-- Advertisements --

Muling ipagpapatuloy ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang “Operation Baklas” o pagtatanggal ng mga campaign materials na hindi sumunod sa mga pamantayan na itinakda ng komisyon.

Ipapatupad ito ng komisyon sa Biyernes, Marso 25, ang pagsisimula ng opisyal na 45-day campaign period para sa mga tumatakbong kandidato para sa local na posisyon.

Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na sa araw na ito ay sakop na rin ng naturang regulasyon ng Comelec ang lahat ng mga kandidato para sa district congressman, governor at vice governor hanggang sa city at municipal councilors.

Tanging mga campaign paraphernalia lamang aniya na nakapaskil sa mga pribadong lugar na sakop ng temporary restraining order (TRO) mula sa Korte Suprema ang exceptions para sa operasyon na ito ng Comelec.

Samantala, sinabi naman ni Comelec spox James Jimenez na mayroong monitoring team ang komisyon na magdo-document ng lahat ng mga prohibited materials na nakapaskil sa mga poste, puno, at kable ng kuryente, at iba pa, upang mapaghandaan aniya ito ng mg kaso.

Dapat aniyang alisin ang mga iligal na nakapaskil na mga posters at election propaganda maging sino pa man ang nagpaskil nito.

Tulad ng mga pamantayan na kanilang ipinapatupad sa mga national candidates, sinabi ni Jimenez na maglalabas din ang Comelec ng formal notices sa lahat ng local candidates upang paalalahanan ang mga ito na alisin na ang kanilang mga campaign materials na hindi sumusunod sa kanilang mga pamantayan.

Magugunita na kamakailan lang ay inilabas ng SC ang TRO na nagbabawal sa Comelec na ipatupad ang ilang seksyon ng Comelec Resolution 10730 na may kinalaman sa utos ng poll body na baklasin ang lahat ng mga election materials na pribadong pag-aari at pribadong pinondohan ng mga volunteers na nakapaskil sa loob ng isang private property.

Samantala, nakatakda namang sabay na magtapos ang national at local campaign sa darating na Mayo 7.