Tuluy-tuloy ang isinasagawang oplan baklas ng Commission on Elections (Comelec) sa mga campaign materials ng mga tumatakbong kandidato para sa papalapit na halalan sa Mayo 9.
Katuwang ng Comelec ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) sa pagsuyod sa kahabaan ng EDSA mula sa lungsod ng Pasay hanggang Caloocan City para tanggalin ang election campaign paraphernalia na hindi sumusunod sa mga itinakdang pamantayan ng komisyon ukol dito.
Sa paglilibot ng mga kinauukulan ay dalawang klaseng mga paglabag ang nakita ng mga ito; maling sukat ng mga campaign posters at maling lokasyon na pinaglalagyan ng mga ito.
Sa kabila kasi ng ipinapatupad na resolusyon ng Comelec ay naglipana pa rin ang mga campaign poster materials na iligal na nakakabit sa mga poste, puno at kable ng kuryent, internet, cable, at linya ng telepono.
Ayon sa Comelec, tanging mga campaign poster na may sukat na 2ft by 3ft lamang ang papayagang maipaskil sa mga itinalagang common poster areas at kinakailangang na may disclaimer ng mga nag-sponsor ang mga ito.
3ft by 8ft naman ang kinakailangang sukat ng election poster materials na pinapayagan namang ipaskil sa mga official headquarters.
Binibigyan ng 72hrs na palugit ang mga kandidatong hindi sumusunod sa naturang patakaran na itinakda ng komisyon.
Agad namang papatawan ng violation at pwersahang babaklasin ang mga campaign materials ng mga kandidato kung sakaling hindi ito sumagot o hindi nito tinanggal ang mga ito na iligal na nakapaskil sa loob ng tatlong araw na palugit na ibinigay ng Comelec.
Papayagan naman ang mga taga-suporta ng mga kandidato na ipaskil sa kanilang mga bahay ang naturang mga posters basta’t sumusunod ito sa tamang sukat na itinakda ng kagawaran.
Samantala, nilinaw din ng Comelec na sa ngayon ay tanging mga campaign materials lamang ng mga tumatakbong kandidato sa national elections ang babaklasin, at hindi pa kasama dito ang mga campaign materials ng local candidates dahil sa hindi pa nagsisimula ang panahon ng kampanya para sa mga ito.
Noong nakaraang linggo sinimulan ng mga kinauukulan kabilang na ang PNP ang operation baklas sa malalaking campaign posters na labag sa ipinatutupad ng Comelec sa pagsisimula ng panahon ng kampanya.
Magugunitang una nang umapela si PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo sa mga kandidato at mga tagasuporta nito na sumunod at magpaskil lamang sa mga common poster areas na itinalaga ng mga LGU at Comelec para sa mas maayos at malinis na pangangampanya.