TUGUEGARAO CITY – Inilunsad ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at Office of the Presidential Adviser for Northern Luzon (OPLAN) ang “Oplan Bangon Batanes.”
Ito ay upang pangasiwaan ang pagbangon ng mga naapektuhan ng dalawang malakas na lindol sa Itbayat, Batanes, nitong weekend.
Nanguna sa paglulunsad si Presidential Adviser for Northern Luzon at CEZA Director Raul Lambino na nasa ilalim ng Office of the President.
Kaugnay nito, sinabi ni Charlotte Collado, media coordinator ng CEZA, na bukas ang kanilang opisina sa Tuguegarao City upang tumanggap ng anumang donasyon para sa mga biktima ng lindol.
Nakapagpaabot na rin ang CEZA ng paunang tulong sa mga biktima ng lindol na kinabibilangan ng 1,500 gallons ng mineral water at 2,000 food packs.
Nasa biyahe naman ang second batch ng tulong sa Itbayat na 1,550 na relief goods, 630 gallons ng mineral water at 750 bottled water na ipinadala sa pamamagitan ng Office of the Civil Defense.