In-activate na ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang OPLAN Biyaheng Ayos: Semana Santa 2023 simula ngayong araw, Abril 1 hanggang sa Abril 10 kasabay ng inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa apat na terminals ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong Holy Week.
Ayon kay MIAA General Manager Cesar Chiong na kasabay ng mahabang holiday na magtatagal hanggang sa araw ng kagitingan sa Abil 10 at pagluluwag na ng mga border restriction sa buong mundo mula sa covid-19 pandemic, inaasahnag aabot sa 140,000 kada araw ang passenger arrival sa bansa.
Kaugnay nito, siniguro ni Chiong na mayroong sapat na manpower at equipment ang paliparan para sa pagbuhos ng mga pasahero at malasakit kits para sa mga pasahero sakaling magkaroon ng problema sa flight at mayroon ding mga assistant desks sa lahat ng apat na terminal para matugunan ang pangangailangan ng publiko.
Para naman maiwasan ang posibleng pagkaantala ng flights, inaabisuhan ang mga pasaheo na mag-check-in online, dumating sa tamang oras sa airport ng tatlong oras bago ang departure para sa international flights at dalawang oras bago ang departure para sa domestic flights at dumiretso sa pre-departure area matapos mag-check in.
Pinapayuhan din ang mga babiyahe palabas ng bansa na kumpletuhin ang eTravel registration online bago ang arrival para sa mas mabilis na pagproseso sa Bureau of Quarantine (BoQ) at BI counters.
Hinihikayat naman ang mga Philippine passport holders na gamitin ang immigration e-gates pagkadating sa paliparan.