-- Advertisements --

rizal

Blanko pa ang Rizal PNP hinggil sa motibo sa pananambang kay Teresa Mayor Raul Palino kahapon ng hapon ng mga hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan.


Agad naman pinagana ng pulisya ang Oplan Cobweb para tutukan ang kaso ng alkalde.
Sugatan sa pamamaril ang driver at bodyguard ni Mayor Palino na nakilalang sina Ruel Santos at Joel Balajadia.

Hindi naman tinamaan ang alkalde at nasa mabuting kalagayan ito.

Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng Rizal Police Provincial Office para matukoy ang suspek at kung sino ang nasa likod ng pananambang.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP bandang alas-5:05 ng hapon kahapon bigla na lamang pagbabarilin ng mga suspek ang sinakyang kulay puting van ni Mayor Palino.

Batay sa kuha sa CCTV, unang hinabol ng dalawang suspek na naka suot ng itim na jacket at puting tshirt at saka pinagbabaril ang van.

Nang nakalayo na ang van hinabol pa rin ito ng isang suspek at naka itim na jacket at shortpants.

Ilang mga empty shell mula sa unknown caliber ng armas ang narekober sa crime scene.

Magugunita na si Palino ay kabilang sa narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Rizal PPO director Col. Renato Alba nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso ni Mayor Palino para matukoy ang motibo sa pananambang.