-- Advertisements --

Pinagana na ng Philippine National Police (PNP) ang Oplan Kaluluwa kahit nasa pandemiya pa ang bansa.

Ito ay bahagi ng preemptive measure sa mga sementeryo na dinagsa na ng publiko bago ang pagsasara sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.

Paliwanag ni PNP chief, Gen. Camilo Cascolan, hindi mapipigilan ang publiko sa pagdalaw sa puntod ng kanilang mahal sa buhay kaya asahan na may mga magbibiyahe kaya inatasan na niya ang Highway Patrol Group na tiyakin ang kaligtasan ng motorista.

Inalerto na rin ni Cascolan ang kaniyang mga regional at provincial directors upang matiyak ang kapayapaan sa kanilang mga nasasakupan lalo na’t inaasahan ang maraming lalabas para sa maagang pagdalaw sa sementeryo.

Inatasan na rin ang Barangay Enforcement Teams at marshall upang magsekyur ng paligid.

Para sa mabilis na pagdulog sa pulisya sakaling maitala ang hindi inasahang pangyayari, ipinatayo na rin ni Cascolan ang mga assistance desk sa lahat ng strategic areas ng mga highway kasama na ang paligid ng sementeryo.

At para naman sa mabilis na responde, pinaalerto na rin ni Cascolan sa chief of police ang Barangay Peacekeeping Action Teams na siyang magroronda sa kanilang nasasakupan.