-- Advertisements --

Magtutuloy-tuloy pa rin ang oplan katok ng Philippine National Police (PNP) yan ang tiniyak ni PNP Chief PGen. Rommel Fracisco Marbil hanggat hindi pa raw sila nakakapag-usap ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Erwin Garcia.

Ayon kay Marbil, sinisiguro niya sa Comelec na ang tanging layunin lang ng kanilang operasyon ay i-account ang may mga unregistered na baril dahil maaari pa rin itong magamit sa karahasan.

Matatandaan na nais ipasuspinde ni Chairman Garcia ang oplan katok ng PNP dahil election period na raw ngayon at maaari itong gamitin panakot sa publiko na makakaapekto naman sa desisyon ng mga ito sa pagboto sa nalalapit na eleksyon.

Paliwanag pa ni Garcia, mayroon nang umiiral na gun ban kaya wala ring makakalabas na mga armas maliban kung may exemption mula sa Comelec. Kapag pinairal pa kase raw ang Oplan Katok, maisasagawa ang search operations ng walang warrant na labag sa Saligang Batas.

Sa panig naman ng PNP, noon pa man ay ginagawa na raw ito ng pambansang pulisya kahit election period. Naninindigan ito na trabaho lang ng kapulisan na mag-locate ng firearms at hindi naman mga botante kundi mga indibidwal na mayroong pasong rehistro at lisensya ng baril ang kinakatok ng mga pulis at layunin lang na paalalahanan ang mga ito para i-renew nila ang papeles ng kanilang mga armas.