CAUAYAN CITY- Nagsasagawa ang mga kasapi ng Santiago City Police Office (SCPO) ng Oplan tambuli, katuwang ang ilang kasapi ng Regional Civil Security Unit 2 at mga kasapi ng Presinto Uno sa mga pangunahing tindahan ng paputok sa 4-Lanes, Malvar, Santiago City
Kabilang sa mga nanguna sa naturang inspeksyon si P LT. Col Criswell Tablac, Assistant Chief ng Civil Security Group, Regional Civil Security Unit 2 at si Police Major Reynaldo Maggay, Chief of Police ng Santiago City Police Office, Station 1.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nagkaroon ng pagsisiyasat ang naturang tanggapan sa mga puwesto ng mga nagtitinda ng mga paputok kung saan, kinakailangan ng bawat retailers na maipresenta ang kanilang permit to operate.
Sa kanilang pag-iikot ay wala namang nakitang lumabag o mga nagbebenta ng walang kaukulang permit sa naturang lugar
Mahigpit nilang ipinapaalala ang mga ipinagbabawal na paputok tulad ng Piccolo, watusi, giant whistle bomb, giant Bawang, Large Judas Belt, Boga, Kwiton, Goodbye Earth, Goodbye Bin Laden, Hello Columbia, Super Lolo, Lolo Thunder, Atomic Bomb, Triangulo at Pillbox.
Sa 37 Barangay sa Lunsod ng Santiago ay naglaan ang bawat isa sa mga Ito ng Firecracker zone upang siyang maging opisyal na pagsasagawaan ng pailaw sa pagsalubong ng bagong taon.