Itutuloy umano ng gobyerno ang Oplan Tokhang pagkatapos ng nararanasang coronavirus pandemic.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva, isasagawa ang Oplan Tokhang sa mga lugar na walang barangay anti-drug abuse council (BADAC).
“Mayroon pa rin kaming totokhangin na yet to implement and that will follow right after sa COVID. Kasi sa ngayon, mahirap makipagsabayan sa COVID eh. Right after matapos ang COVID, doon kami magi-i-start na mag-tokhangan,” wika ni Villanueva.
“To tell everybody, kung ang barangay ninyo ay wala pang barangay anti-drug abuse council, tokhangin ninyo si kapitan. Dapat mag-organize sila ng barangay anti-drug abuse council. So doon pa lang sa level pa lang na ‘yun, kasi ‘yun ang unang level sa barangay drug-clearing eh,” he added.
Paglalahad pa ni Villanueva, pinabagal daw ng pandemya ang mga barangay drug-cleaning operation.
“Medyo bumagal ang barangay drug-clearing operations natin dahil dito sa pandemic. Ang local government ay naging busy doon sa COVID so ‘yung rehabilitation program ay medyo nai-stymie. But it will not stop us from clearing barangays at ‘yun ang napagusapan namin ni Chief PNP,” ani Villanueva.
“Talagang dederetso tayo hanggang barangay. Bakit? Kasi ang droga, kahit saan galing ‘yan, China man ‘yan, galing man ‘yan sa Golden Triangle, galing man ‘yan sa Africa, siguradong sa barangay ‘yan lalanding,” dagdag nito.
Kung maaalala, naging kontrobersyal ang naturang operasyon dahil sa pagpatay sa mga umano’y drug suspects sa ilalim ng giyera kontra droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa datos mula sa PDEA, umabot na sa halos 6,000 mga drug suspects ang napatay sa mahigit 170,000 anti-illegal drugs operations mula Hulyo 2016 hanggang Agosto 31 ng kasalukuyang taon.