Inatasan na ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng police units sa buong bansa na tumalima sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipaubaya na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pangunahan ang lahat ng anti-drug operations ng pamahalaan.
Una rito kahapon,agbaba ng memorandum ang pambansang pulisya na nilagdaan ni PNP Directorate for Operations Director Camilo Cascolan.
Nakasaad sa nasabing memorandum na limitado na lamang ang papel ng PNP-Drug Enforcement Group (DEG) at ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga intelligence information na may kaugnayan sa iligal na droga at kanila itong ibabahagi sa PDEA.
Malinaw ding nakasaad sa memo na lahat ng kaso na may kaugnayan sa iligal na droga ay ililipat sa PDEA.
Tigil na rin sa ngayon ang kampanya kontra droga ng PNP gaya ng Oplan Double Barrel kabilang dito ang “Oplan-Tokhang.”
Inatasan din ang lahat ng mga police unit na mag-focus na lamang sa anti-criminality campaign, internal security at anti-terrorism operations.
Inihayag ni Dela Rosa na nirerespeto ng PNP ang desisyon ng Pangulo na ipaubaya na sa PDEA ang pag mando sa giyera kontra droga.
Una nang inihayag ng PNP chief na kanila namang pagtutuunan ng pansin ang riding-in-tandem incident na kanilang susunod na “uupakan.”
Kung maaalal,a naglabas din ng memorandum ang Malacanang kung saan ibinalik sa PDEA ang kapangyarihan na pangunahan ang kampanya kontra droga ng pamahalaan at binabawi na ito sa PNP.