Posible sa susunod na linggo na magsisimula ang PNP sa kanilang pagbabalik kampanya gamit ang diskarte na Oplan Tokhang.
Ito ang kinumpirma ni PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa.
Ayon kay Dela Rosa, nagsimula na ang kanilang Oplan Double Barrel, at mga buy-bust operations sbalit tanging ang pagbisita sa mga bahay ng mga drug suspeks na “Oplan Toktok Hangyo” ang hindi pa nasisimulan.
Sinabi ni Dela Rosa, magiging mas maingat na ang mga operatiba ng PNP sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang nang sa gayon ay hindi sila masingitan ng mga tiwaling pulis.
“Baka next week basta we will be transparent pagdating sa operation na yan kasi may mga kanya kanyang diskarte bawat region, ‘yung pag implement sa Tokhang noon which maintindihan natin basta hindi nagba-violate sa human rights okay lang yun,” wika pa ni Dela Rosa.
Binigyang-diin ni PNP chief na kakatok at manghaharana ang paraan na gagawin ng mga pulis at saka pakikiusapan na sumuko na ang mga ito.
Giit ni Dela Rosa, ihihinto na ng PNP ang “patapang approach.”
Aniya, may general guidelines na susundin ang mga pulis sa Oplan Tokhang para raw walang paglabag sa karapatang pantao ang mangyayari.
Ang PNP oversight committee ang siyang magte-train sa mga pulis na magpapatupad ng Oplan Tokhang.
Siniguro rin ni PNP chief na ang mga pulis na nauugnay sa illegal drugs ay talagang hindi kasama sa operasyon.
Tatawaging “Tokhangers” ang mga pulis na kabilang sa Oplan Tokhang.