Pumanaw na ang isa sa lead vocalist ng legendary Filipino musical trio Apo Hiking Society na si Danny Javier.
Ito ang kinumpirma ng kanyang anak na si Justine Javier Long sa anunsiyo na idinaaan sa social media.
Si Daniel Morales Javier sa tunay na buhay, ay pumanaw sa edad na, 75.
Sinasabing binawian umano ito ng buhay dahil sa matagal na niyang dinaranas o “complications due to his prolonged illnesses.”
“In life, as in his death, our Pop never stopped fighting for what he loved, what he believed in and what he was passionate about. He left this world with his passion and his strength of will intact and we know he would not have it any other way,” ani Justine sa kanyang sulat.
Nakiusap din naman ang Javier family na igalang ang kanilang privacy habang inaayos pa ang libing nito.
Todo pasalamat din ang pamilya sa maraming nakikiramay sa kanila.
Kung maalala sumikat ng husto noon ang trio sa kanilang mga orihinal na komposisyon na musika kasama sina Boboy Garrovillo at Jim Paredes.
Nagpalabas na rin ng kanyang mensahe si Garrovillo sa pagpanaw ng malapit nilang kaibigan.
“Just feeling the loss of an old faithful friend who knew what love is although sometimes it just doesn’t show. My friend lives on in his music,” pahayag pa ni Garrovillo.
Ang iba pang mga kasama sa industriya ng pelikula at musika ay bumuhos din ng kanilang pakikidalamhati.
Ang isa sa singer-songwriter ng APO na si Javier ay kinilala sa pagkakabuo ng termino na OPM na ang ibig sabihin ay “Original Pinoy Music” o kaya “Original Philippine Music.”
Kabilang sa mga naging komposisyon ni Javier ay ang mga iconic songs na Show Me A Smile (1976), Pag-ibig (1978), Pumapatak ang Ulan (1978), Kaibigan (1978), Doo bidoo (1978), Kabilugan ng Buwan (1980), Blue Jeans (1981), Di Na Natuto (1985), Kumot At Unan (1991), Awit ng Barkada (1991), Just A Smile Away (1992), Lumang Tugtugin (1992) at Isang Dangkal (1999).