Tuloy-tuloy ang blessings na natatanggap ng young OPM singer na si Zephanie sa kanyang music career.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio kay Zephanie, inamin nito na malaki ang naging pagbabago ng kanyang buhay matapos manalo sa isang hit reality singing search noong 2019, at sinabi nito na may ilang mga challenges man sa kanyang pag adapt sa industriya ay grateful ang singer dahil maraming tumutulong sa kanya.
Masaya rin ito dahil natutupad na niya ang kanyang mga pangarap at malaking tulong rin umano ito sa kaniyang pamilya.
“Nakakapanibago pero at the same time, talagang ito po yung isa sa mga pinag-pray ko na mangyari sa career ko. Yung makapunta ako sa iba’t-ibang lugar, to inspire and to share my talent sa mga tao, to make more music. Yung change na yun, naging challenging po. Yung time management po, siyempre ako, student pa lang ako. Kahit challenging siya, I’m still grateful kasi itong career po na ito, it’s a big help sa amin ng family ko lalo na at big family kami. I’m really thankful sa lahat po ng mga blessings. Marami naman pong taong tumutulong sa akin para masanay. Binibigyan nila ako ng tips kung paano ka masasanay at magtatagal sa industry na ito.”
Kamakailan rin nga ay nagdaos ang singer ng virtual concert sa livestreaming app na Kumu, na pinamagatang Zuperstar, at inilabas rin nito ang kanyang pinakabagong single na “Pasensya Na”.
Samantala, maliban sa iba’t-ibang projects na kanyang ipinagpapasalamat ay humbled rin ang 17-year-old singer mula Laguna sa titulong ‘This Generation’s Pop Princess’ na ibinigay sa kanya. Para sa dalaga, napakaaga pa para mabigyan siya ng naturang bansag ngunit dahil dito ay lalo pang nadadagdagan ang motibasyon niya para magpatuloy sa paghahandog ng kanyang talento sa mga tao.
“I didn’t expect po na ganito kaaga. It’s been a year lang since nanalo ako. Itong title na ito, siyempre, the pressure is there. Kailangan mo ding i-give yung best mo talaga everytime you perform. Everytime na nagpe-perform ka, kailangan may bago. Kailangan nakikita yung improvement. That’s the challenge. I love challenges. It makes me do more.”
Labis rin itong natutuwa sa success ng kanyang hit song na “Sabihin Mo Na Lang Kasi” na nangunguna sa iba’t-ibang mga music charts sa bansa.
Sa katunayan, maging sa nationwide Perfect 10 Countdown ng Star FM ay ito na ang number 1 song sa listahan simula November 28.
“Sobrang happy po ako sa naging response ng tao [sa kanta], kasi iba po siya doon sa style ko na may birit. Siyempre, wala naman po akong ibang ma-feel kundi yung pagiging grateful sa mga supporters ko. Thank you so much. Alam niyo naman na mahal na mahal ko kayong lahat.”