Nakabalik na sa Venezuela ang self-declared interim leader na si Juan Guaidó sa kabisera ng bansa na Caracas.
Sinalubong si Guaidó sa Simón Bolivar International airport ng mga diplomats mula sa Estados Unidos at sa mga bansang kasapi ng European Union.
Kasama rin sa mga naghintay sa pagdating ni Guaidó ang kanyang mga tagasuporta na sumigaw ng “Guaidó, Guaidó” at “Yes we can.”
Una rito, sinabi ni Guaidó na malakas daw ang kanyang kutob na dadakpin ito sa oras na makabalik na ito sa kanilang bansa.
Nilabag umano kasi ni Guaido ang umiiral na travel ban na ipinatupad ng Supreme Court.
Ito’y matapos na tumawid ang tumatayong interim president sa border patungong Colombia upang makipag-ugnayan sa pagpasok ng humanitarian aid sa Venezuela.
Maaalalang nag-ikot sa mga bansa sa Latin America ang opposition leader upang mangalap ng suporta sa mga regional leaders.
“We know the risks we face,” wika ni Guaidó. “We are strong, we carry on.”
Kasabay ng kanyang panawagan kay President Nicolás Maduro na magbitiw na sa puwesto, hinimok nito ang kanyang mga kababayan na lumahok sa mga kilos-protesta na nakatakda nitong pangunahan. (BBC)