Tikom pa ang kampo ni Vice Pres. Leni Robredo matapos tawaging boba ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin Jr. kaugnay ng kanselasyon sa diplomatic passports.
Pero sa kabila nito, hindi napigilan ang mga kaalyado ng bise presidente para sabunin ang kalihim dahil sa umano’y bastos na pahayag nito sa pangalawang pangulo.
Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan malinaw na paglabag sa nilalaman ng RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees ang inasal ni Locsin.
Hindi raw kasi nito sinasalamin ang imahe at mandato ng isang opisyal ng gobyerno na ininsulto ang pangalawang pinaka-mataas na opisyal, kaya maari daw itong kasuhan.
“Ang ganitong klase ng panlalait at pambabastos ay walang puwang sa isang sibilisadong lipunan at lalo na na nanggagaling sa Kalihim ng Department of Foreign Affairs ang tanggapan na nangunguna sa pambansang diplomasya.”
Para naman kay outgoing Magdalo Cong. Gary Alejano maituturing na halimbawa si Locsin ng isang opisyal na tila nilamon na ng sistema ng administrasyon.
“Locsin is the classic example of the erosion of our values as a people. Duterte has succeeded in bringing out the worst in this man and to many in this country. They are a potent poison to the minds of our children. Natokhang din ang ating pag-uugali. Palakpakan!”
Pero para kay dating Solicitor General Florin Hilbay mukhang nililihis lang ng DFA secretary ang atensyon ng publiko mula sa totoong issue tulad ng gusot sa Recto Bank at pagrespeto sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas.
Una ng bumanat ang spokesperson ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez at pinayuhan si Locsin na kanselahin din ang sariling diplomatic passport para daw mapatunayan ang limitasyon ng pasaporte sa mga totoong masipag na dipomat.
Matapos bitiwan ang pahayag kahapon ay agad ding humingi ng tawad si Locsin kay Robredo pati sa mga taga-suporta nito.