-- Advertisements --
zarate
Carlos Zarate

VIGAN CITY – Hinamon ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate si Pangulong Rodrigo Duterte na isapubliko na ang mga sinasabi nitong nasa likod ng anomalya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Zarate na kung mayroon umanong malawakang korapsyon na nangyayari sa ahensya ay dapat lamang itong maimbestigahan at siguraduhing mananagot ang mapapatunayang nagkasala.

Aniya, katanggap-tanggap naman umano na maparusahan ang mga may kasalanan ngunit hindi umano makatarungan na pati ang mga ordinaryong Pilipino na umaasa sa tulong PCSO ay naidadamay dahil sa ‘di umano’y malawakang kurapsyon sa nasabing ahensya.

Samantala, naniniwala pa ang kongresista na nais lamang umanong pagtakpan ng pangulo ang isyu sa endo kaya nito ipinag-utos ang pagpapahinto sa mga gaming operations ng ahensya.

Ipinaalala nito na ang pangulo mismo ang nangakong wawakasan nito ang endo noong unang araw nito sa puwesto ngunit makalipas ang tatlong taon ay hindi naman niya ito natupad.