VIGAN CITY- Magmumukha umanong uto-uto ang Mababang Kapulungan ng Kongreso kung susundin ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa susunod na House Speaker ng 18th Congress.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na maghahati sa pamumuno bilang House Speaker sina Taguig-Pateros Rep. Allan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, habang si Leyte Rep. Martin Romualdez ang uupong House Majority Leader.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan , binigyang-diin ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate na hindi pa umano tapos ang labanan sa House Speakership hangga’t hindi pa nagbubukas ang 18th Congress.
Aniya, hindi umano nawawala ang kaniyang pag-asa na hindi mananaig ang kagustuhan ng pangulo dahil may sarili namang utak ang mga kapuwa kongresista nito at hindi umano sila papayag na maging utusan lamang lalo pa’t isa namang independent body ang Kamara.
Idinagdag pa ng mambabatas na isa sa mga kandidato sa pagka-House Speaker na maaga pa umano upang pag-usapan ang isyu sa House Minority Leadership at tinawag pa niya itong smokescreen o panakip butas sa lalong lumalalang isyu sa house speakership race.
Ito ay may kaugnayan sa mga lumabas na balita na mayroon umanong humihikayat kay Capiz Rep. Fredenil Castro na mahing House Minority Leader upang mapanatili ang checks and balance sa Kamara.
Ayon sa kongresista, mahalaga pa rin umano na maging parte ng tunay na oposisyon ang sino mang nagnanais na maging minority leader upang tunay ang balanse sa mababang kapulungan.