Ipinaalam ng binansang Optimum star na si Claudine Barretto sa kaniyang fans na fake news ang kumakalat ngayon sa social media kaugnay sa kaniyang reaksiyon sa fans na bumibisita sa puntod ng kaniyang yumaong dating kasintahan at sikat na 90’s actor na si Rico Yan.
Sa instagram post at story ng aktres, ibinahagi niya ang screenshot ng isang art card at nag-caption ng “FAKE NEWS” 😱. Makikita dito ang larawan nila ni Rico na may nakasulat na “Please respeto kay Yan. Tinalo niyo pa ako sa mga pa-time lapse niyo. Wag niyo ipilit ang pag-alala kay Yan, hindi niyo naman siya naabutan. Wag niyong gawing content ang puntod niya.”
Nitong mga nakalipas na araw nga ay naging trending online si Rico matapos kumalat ang ilang videos sa Tiktok kabilang na ang time lapse video ng isang Gen Z fan na bumisita sa kaniyang puntod gayundin ang isang FB meme page na nagbahagi ng compilation ng mga larawan ng mga bumisita sa puntod ni Rico at tinawag na tourist destination.
Naglabas din ng pahayag ang kapatid ng yumaong aktor na si Bobby Yan hinggil sa usapin at sinabing wala pa namang dapat ikabahala sa ngayon kaugnay sa mga bumibisita sa puntod ng kaniyang kapatid at welcome aniya ang sinuman. Suportado din aniya nila ang lahat ng henerasyon. Ang puso ni Rico ay nasa kabataan at tiyak aniya na hindi tatalikuran ni Rico ang Gen Z. Subalit sakali man aniya na sabihin ng kanilang caretaker na nakakaabala ito sa mga katabing mausoleums sa Manila Memorial Park, doon na aniya siya gagawa ng aksiyon.
Kilala nga si Corics bilang isang Youth Ambassador noong nabubuhay pa ito. Unang nakilala si Rico sa isang tv commercial para sa Eskinol Master Facial Cleanser na nagpasikat sa catchy tagline ng brand na “Sikreto ng mga guwapo”. Naging isa sa mga sikat na matinee idol si Rico sa kaniyang henerasyon at binansagan ding “Mr. Dimple”.
Kung matatandaan, 22 taon na ang nakakalipas mula ng pumanaw ang aktor noong March 29, 2002 (kung saan kasikatan noon ni Rico) habang nasa Holy week vacation sa Puerto Princesa, Palawan dahil sa acute hemorrhagic pancreatitis o bangungot sa edad na 27 anyos.