-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nagpapatuloy sa pagsasagawa ng depopulation o culling sa mga baboy na apektado ng African Swine Fever (ASF) ang Provincial Government of Cotabato sa pamamagitan Office of the Provincial Veterinary (OPVet).

Base sa datus ng OPVet, nasa 2,516 na mga baboy kasama na din ang mga biik mula sa 22 barangay ng apat na bayan at isang syudad sa lalawigan ang kinatay dahil sa pananalanta ng ASF.

Kabilang sa mga lugar na apektado nito ay ang Brgy. Ilian, Magcaalam, Tagbac, Poblacion, Bantac, Binay, Pangao-an, Amabel, Sallab, Mahongkong, Manobisa, Noa at Doles sa Magpet; Brgy. Lanao-Kuran, Tumanding at Salasang sa Arakan; Brgy. Malungon sa Makilala; Brgy. Poblacion at Datu Inda sa Pres. Roxas; at Brgy. Gayola, Mua-an at Linangcob sa Kidapawan City.

Dagdag pa ng ahensiya, umaabot na sa 575 hog raisers mula sa mga nabanggit na mga lugar ang apektado nito.

Samantala, mabilisang ginagawa naman ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang pagsumite ng mga dokumento sa Department of Agriculture – Bureau of Animal Industry (DA-BAI) para sa kaukulang ayuda na dapat matanggap ng mga apektadong hog raisers.

Kung maaaprubahan, makakatanggap ng kabuoang P9,000 bawat baboy na ma-depopulate na pasado sa classification ang mga hog raisers kung saan P5,000 rito ay magmumula as DA na una nang inihayag ni Regional Director Arlan Mangelen, P2,000 mula sa Provincial government at P2,000 din mula naman sa Local Government Unit.

Nagpahayag naman ang provincial government na hindi ito titigil sa pagsasagawa ng mga hakbang upang masugpo ang kumakalat na ASF sa probinsya.