-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Itinakda na sa Disyembre 19 ng kasalukuyang taon ang oral arguments sa Korte Suprema ng mga petisyon kontra sa Anti-Terror Law.

Sinasabing pahirapan para sa en banc sa pagsasapinal ng petsa dahil sa dami ng mga petisyon na isinalang.

supreme court
Supreme Court

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ikalawa siya sa mga naghain ng petisyon na umabot sa 37 sa kabuuan at isa sa mga maglalatag ng argumento.

Pinag-uusapan na rin ng grupo ng petitioners ang paghahati-hati ng mga isyung tatalakayin.

Bibigyan ng 30 minuto ang mga panig para maiprisinta ang mga argumento.

Maalalang una nang kwinestiyon ang legalidad ng mga probisyon na nilalaman ng batas patungkol sa pagdetermina sa terror act, warrantless arrests at detention ng suspects.

Ayon pa sa mga kritiko, posibleng ma-target din ng batas maging ang mga nagpapahayag lamang ng opinyon at disgusto sa mga polisiya ng administrasyon.