-- Advertisements --

ILOILO CITY – Tiniyak ng Energy Regulatory Commission na wala itong sinasayang na oras sa pag-review para sa reset ng power transmission rates sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Energy Regulatory Commission Commissioner Alexis Lumbatan, sinabi nito na ibinubuhos ng komisyon ang walong sunod-sunod na linggo sa trabaho para ma-isyu na sa buwan ng Agosto ang desisyon sa review sa fourth regulatory rate reset ng National Grid Corporation of the Philippines.

Kapag mailabas na ang reset order, ibig sabihin ayon sa commissioner, magiging epektibo na sa susunod na billing cycle ang bagong transmission rate.

Aniya, isinasagawa ang rate reset sa kada limang taon.

Isa umano itong regulatory exercise para ma-check kung valid pa at reflective sa kasalukuyang gastos ang pinapayagang revenues ng National Grid Corporation of the Philippines.

Sa reset, sinusuring mabuti ng ERC ang expenditure items ng NGCP at ang iba pang parameters upang matiyak na ang karapat-dapat at makatwirang gastos lamang ang pinapasa sa mga consumers.

Kung matapos na umano ang evaluation, doon pa lang malalaman kung may refund o pagtaas sa transmission rate.