LAOAG CITY – Ipinaliwanag ni ACT Partylist Representative France Castro, miyembro ng Makabayan Coalition na mahalagang ipaalam sa mamamayan ang epekto ng paghari ng political dynasty at malaman ang implikasyon at kahihinatnan nito sa bansa rason kung bakit nila plano mag-file ng disqualification case sa mga pamiliang miyembro ng political dynasty.
Paliwanag ni Castro, halos walang puwang ang mga ordinaryong mamamayan na may kakayahang maglingkod sa publiko.
Ayon sa kanya, base sa datos noong 2016, 80% ng mga kongresista ay nagmula sa political family habang 70% ay nasa lokal na pamahalaan at mas mababang posisyon sa pulitika kung saan sa kasalukuyan 25% sa senado ay may kaugnayan sa political dynasty.
Isa aniya sa nakikita nilang hamon sa layuning ito ng Makabayan coalition ay ang kawalan ng pagtalakay nito sa kongreso.
Dahil dito, plano nilang dalhin sa Korte Suprema ang isyu sakaling hindi ito pag-usapan sa Commission on Elections.
Samantala, naniniwala si Castro na sa pamamagitan ng layunin na ito ay magbibigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong kandidato na may kakahayang maglingkod sa publiko at tumulong sa pagbuo ng isang mas balanseng pamahalaan.
Kamakailan naglabas ng salaubin ang Makabayan Coalition na plano nila na magsampa ng disqualification cases laban sa mga kandidatong miyembro ng political dynasty.