BUTUAN CITY – Pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isasagawang holy mass para sa Episcopal Ordination at canonical taking-possession ni Bishop-elect Father Cosme Damian Almedilla ng Butuan Diocese.
Gagawin ang installation sa Saint Joseph Cathedral sa lungsod ng Butuan na inaasahang dadaluhan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Gabriel Giordano Caccia.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Bishop Almedilla, na prayoridad niya para sa diocese ng Butuan ang kilalanin ang lahat ng mga pari sa kanyang masasakupan.
Kanya rin munang aalamin daw ang sitwasyon ng buong diocese bago gumawa ng kahit anumang hakbang.
Si Bishop Almedilla ay ang ikatlong obispo ng Butuan diocese, na kapalit ni Most Rev. Juan de Dios Pueblos na sumakabilang buhay noong Oktobre 2017.
Miyembro siya ng Talibon Diocese sa lalawigan ng Bohol at nagserbisyo din bilang parish priest ng Holy Child Parish sa Ubay, Bohol.
Naordinahan siya bilang pari noong Agusto 4, 1987 matapos ang kanyang formation sa Saint John XXIII College Seminary sa Malaybalay City sa Bukidnon at sa Loyola School of Theology sa Ateneo de Manila University.