ILOILO CITY – Umaasa ang lokal na mga residente ng bayan ng San Joaquin, Iloilo na maibalik ang pagdiriwang nila ng Pasungay Festival o ang tagisan ng pinakamatapang at pinakamalakas na mga kalabaw.
Sa resolusyong ipinasa ni Iloilo 1st District Board Member Marcelo Valentine Serag, iaapela nila sa Department of Agriculture at sa National Commission for Culture and the Arts na muling payagan na maibalik ang nasabing festival sa darating na Enero 2020.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Serag, sinabi nito na hindi maituturing na animal cruelty ang Pasungay dahil ito ay hindi bullfighting.
Nakasaad din sa nasabing resolusyon na ideklara ang aktibidad na tradisyon ng mga taga-San Joaquin dahil ay itinuturing na “long time treasured and established culture.”
Napag-alamang mahigit 150 taon nang isinasagawa ang Pasungay Festival sa bayan ng San Joaquin at ayon kay Serag, ito ay nagsimula bago pa man ang World War 2.
Napag-alaman na inireklamo ng Animal Kingdom Foundation na isang Animal Welfare group na nagpahayag na ito ay lumalabag sa Animal Welfare Act na naging dahilan kung bakit hindi pinayagan na isagawa ito noong nakaraang Enero 2019.