-- Advertisements --

Patuloy ang panawagan para sa tulong sa lungsod ng Ormoc kasunod nang lindol na tumama sa lalawigan ng Leyte.

Sa panayam ng Bombo Radyo, umapela si City Mayor Richard Gomez na bukas nilang tatanggapin ang tulong lalo na sa mga pagkain, tubig at tents.

Problema kasi ngayon ang suplay ng tubig dahil sa naapektuhan ito ng pagkabitak ng ilang lugar sa siyudad at kawalan pa rin ng suplay ng koryente.

Sinisikap din umano nila na makahiram ng maliliit na generators para unahin ang mga lugar kung saan nandoon ang mga evacuees.

Ilang mga residente rin ang nananatili sa labas ng kani-kanilang bahay dahil sa takot bunsod ng muling pagkakaroon ng aftershocks.

Kasabay nito, nilinaw ni Mayor Gomez na walang dapat ipag-alala ang mga may kamag-anak na nasa city proper.

Ang malubaha umanong naapektuhan ay ang mga nasa bahagi ng bundok lalo na ang pitong mga barangays.

Ito aniya ay ang Barangays Cabintan, Cabaon-an, Tongonan, bahagi ng Lake Danao, Liberty, Milagro at Barangay Gaas.

Nitong nakalipas na Lunes ay tumungo ang ilang cabinet members ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Ormoc City at hiniling ng lokal na pamahalaan ang pagpapatayo ng malilipatang bahay para sa mga residente na nasa fault line.

“Hiniling namin ang pag-rebuild ng mga bahay ng mga dislocated evacuees. Sabi namin sa DSWD kami na ang maghahanap ng lupa na paglilipatan at kung puwede sila na ang sumagot sa relocation,” ani dating actor at national athlete.