TUGUEGARAO CITY – Magpapadala rin ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ng mga psychologists na magsasagawa ng debriefing sa mga residente na nakararanas ng trauma matapos ang magkasunod na lindol sa Itbayat, Batanes, nitong Sabado ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Dr. Glenn Mathew Baggao, CVMC medical center chief ang pangangailangan para sa stress debriefing dahil sa matinding pagkatakot ng mga residente.
Samantala, dumating na kahapon sa Basco General Hospital ang walong orthopedic surgeons dala ang mga medical supplies na ipinadala ng CVMC lulan ng C-130 plane ng Philippine Air Force mula sa Maynila na may kargang food packs at mga gamot.
Sinabi ni Baggao na posibleng ngayong araw ay magpapadala ng karagdagang doktor at nurses ang CVMC para umalalay sa 63 nasugatan lalo na sa mga nabalian ng buto sa nangyaring pagyanig na pawang nadaganan sa mga gumuhong bahay.
Tiniyak rin ni Dr. Baggao ang pag-asikaso sa mga pasyente sa Batanes na posibleng ilipat sa CVMC.