Biniyayaan ng boxing legend at superstar Oscar De La Hoya ang isang ospital sa East Los Angeles, California sa pamamagitan ng donasyon na aabot sa $250,000 para pantulong sa mga pasyente na magpapagamot dahil sa COVID-19.
Ang malaking halaga ay idinaan ng Oscar De La Hoya Foundation sa Adventist Health White Memorial Charitable Foundation.
Ayon sa Adventist Health White Memorial ang panibagong donasyon ng boxing icon ay mapupunta sa mga gastusin ng mga pasyente at supplies ng ospital sa panahon ng krisis.
Sinabi naman ni Oscar, na kilala ring philanthropist at may-ari ng Golden Boy Promotions, ang naturang ospital ang siya ring nag-alaga sa kanyang ina noong lumalaban ito sa breast cancer.
Kaugnay nito, hinamon ni De la Hoya ang mga kasama sa mundo ng boxing, mga celebrities, athletes, business leaders at community leaders na magsasama-sama sa pagbibigay donasyon sa panahon ng krisis.