Tinanghal na big winner sa 93rd Academy o mas kilala bilang Oscar Awards ngayong taon ang “Nomadland.”
Sa seremonya nitong Lunes ng umaga, Manila time, tinalo ng nasabing American drama film ang “Mank” na may 10 na pinakamaraming nominasyon.
Hinakot din nito ang iba pang top prize tulad ng Best Director para kay Chloe Zhao, at Best Actress kay Frances McDormand.
Kung maaalala, ang “Nomadland” din ang Best Picture sa Golden Globe na siyang kickoff ng awards season sa Hollywood kung saan ang mga nananalo rito ay sinasabing malaki rin ang tiyansa na maging big winner sa Oscars.
Bigo naman ang paboritong manalo bilang best actor ang “Black Panther” star na si Chadwick Boseman, na noong nakaraang taon lang pumanaw dahil sa cancer.
Iginawad ang Oscars best actor kay Anthony Hopkins bagama’t ito ay no show sa seremonya sa Los Angeles.
Sinasabing nakakabilib ang performance ni Hopkins sa film drama na “The Father” kung saan ginampanan niya ito sa papel na may sakit na dementia.
Sa edad na 83-anyos, si Hopkins na ang “oldest actor” na nagwagi ng Oscar award.
Samantala, tagumpay din ang Filipina-American singer na si H.E.R. matapos nagwagi ng Oscar ang kanyang composition na “Fight For You” para sa pelikulang “Judas and the Black Messiah.”
Ang 23-anyos na si H.E.R (Having Everything Revealed) ay mula sa California na isinilang ng kanyang inang si Agnes na tubong Cabanatuan, Nueva Ecija, habang African American ang kanyang musician dad na si Kenny Wilson.
Naging big winner din ang nasabing Fil Am singer sa Grammy Awards noong nakaraang buwan matapos gawaran ng “Song of The Year.”
Una nang naiulat na magiging limitado lamang sa mga nominado, presenters at mga piling bisita, ang mga papayagang makadalo ng personal sa seremonya na isasailalim pa sa COVID testing.
Noong nakaraang taon, best picture ng Oscars ang black comedy thriller film na “Parasite” ng South Korea.