Bumuo ng isang team ang Office of the Solicitor General (OSG) para imbestigahan si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, binuo ang naturang team noong nakalipas na linggo para matukoy kung mayroong legal na karapatan ang alkalde na humawak ng posisyon sa gobyerno.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang OSG sa iba’t ibang ahensiya para kumalap ng mga impormasyon may kinalaman sa kaso ng alkalde.
Kabilang sa binuo ng team ang Commission on Elections (Comelec), Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Education (DepEd), at Bureau of Immigration.
Sakali man na mapatunayang hindi kwalipikado ang isang indibidwal o entity sa naturang karapatan o pribilehiyo, matatanggal ang mga ito sa posisyon o matatanggalan ng mga benepisyong kanilang tinatamasa.
Sa ilalim kasi ng Rule 66 ng Rules of Court, maaaring maglunsad ng inisyatibo ang Solicitor General o public prosecutor ng aksiyon para sa quo warranto sa bisa ng direktiba ng Pangulo ng PH.
Matatandaang nag-ugat ang imbestigasyon kay Guo matapos na lumabas sa mga dokumento na nakarehistro sa ilalim ng kaniyang pangalan ang electric meter ng POGO firm na Zun Yuan Technology na sinalakay ng mga awtoridad noong Marso at nasagip ang nasa 499 foreign workers.
Natagpuan din sa compound ng naturang POGO company ang isang sports utility vehicle na nakarehistro sa pangalan ng alkalde.