Dinipensahan ng Office of the Solicitor General (OSG) ang paglilipat ng sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa national treasury.
Sa oral argument nitong Martes, sinabi ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema na sa halip na humiram ng pera para pondohan ang mga mahahalagang programa ng pamahalaan, partikular na ang mga proyektong pangkalusugan at panlipunan, pinili ng lehislatura ang mga magagamit na pondo na hindi “nagagamit nang produktibo.”
Aniya, sa pagtatapos ng Pebrero 2024, nasa P15.18 trilyon na ang utang ng gobyerno, ibig sabihin, sa 114 milyong populasyon ngayong 2025, bawat Pilipino, anuman ang edad, ay may utang sa halagang P139,000 bawat isa.
Dagdag pa niya na tinukoy umano ng Kongreso na isa sa mga respondent ang fund balance ng mga korporasyon ng gobyerno bilang pagmumulan ng karagdagang pondo para tustusan ang Unprogrammed Appropriations.
Ang mga petisyon laban sa paglilipat ng labis na pondo ng PhilHealth ay inihain ng mga grupo nina Sen. Aquilino Pimentel III at Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares, at 1SAMBAYAN Coalition kasama ang mga miyembro ng University of the Philippines Law Class 1975, Senior for Seniors Association, Inc. , Kidney Foundation of the Philippines, at iba pang pribadong indibidwal.
Pinangalanang respondent sa mga petisyon ay sina Department of Finance (DOF) Secretary Ralph G. Recto, ang House of Representatives na kinakatawan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang Senado na kinatawan ni Senate President Francis Chiz Escudero, Executive Secretary Lucas P. Bersamin at PhilHealth na kinakatawan ng Pangulo nitong si Emmanuel Ledesma Jr.