Kinumpirma ng Office of the Solicitor General na humiling ang International Criminal Court (ICC) sa gobyerno ng Pilipinas para makapanayam ang 5 dati at aktibong mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sangkot umano sa mga pagpatay sa war on drugs ng nakalipas na Duterte administration.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, natanggap ng OSG ang naturang request mula sa ICC prosecutor ngayong buwan ng Hulyo.
Subalit iginiit ni SG Guevarra na tuluyan ng kumalas ang Pilipinas mula sa ICC noong 2019 kayat wala na itong legal duty para magbigay ng anumang assistance sa ICC prosecutor sa pagsasagawa nito ng imbestigasyon.
Bagamat ipinunto ni Guevara na hindi pipigilan ng gobyerno ng PH ang ICC prosecutor sa pagpapatuloy sa paglilitis nito sa anumang paraang naisin nito.
Maaari aniyang direktang makapanayam ng ICC prosecutor ang persons of interest online o sa pamamagitan ng phone o email o face to face na subject aniya sa consent o pagpayag ng sangkot na indibidwal.
Sinabi din ng opisyal na nagsumite na ang OSG ng mga rekomendasyon nito kay Pangulong Ferdinand Marcos jr. kaugnay sa kahilingan ng ICC prosecutor subalit hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang SG.
Matatandaan na una ng isiniwalat ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may 5 suspek sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs kabilang dito sina Senator at dating PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa, dating PNP chief Oscar Albayalde, Romeo Caramat Jr., Eleazar Mata, at Edilberto Leonardo.