-- Advertisements --

Naghain na ang Office of the Solicitor General ngayong Lunes ng quo warranto petition laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na maaaring magresulta sa tuluyang pagkatanggal nito mula sa posisyon sa gobyerno.

Sa petisyong inihain sa Manila Regional Trial Court, makikita sa unang pahina na ang nakalagay na respondent ay si Guo Hua Ping a.k.a Alice Leal Guo.

Una ng kinumpirma ng National Bureau of Investigation na si Guo at Chinese passport holder na si Guo Hua Ping ay may parehong fingerprints na nagpapakitang iisang tao lamang.

Noong unang bahagi naman ng Hulyo, naghain ang OSG ng petisyon na humihiling para ikansela ang birth certificate ni Guo.

Una ng sinabi ni SG Menardo Guevarra na sakaling kanselahin ito, mawawalan ng mahalagang depensang hawak ang suspendidong opisyal kaugnay sa kaniyang pagkakakilanlan.

Subalit sa panig naman ni Guo, makailang beses na rin nitong itinanggi ang mga alegasyon laban sa kaniya na nagdadawit sa kaniya sa sinalakay na POGO hub sa kaniyang bayan sa Bamban na sangkot sa mga ilegal na operason.