Naisumite na ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ang sagot nito sa consolidated petition for habeas corpus na inihain ng magkapatid na Duterte.
Una nang ipina-subpoena ng SC ang mga respondents sa petisyon na inihain nina Davao City Mayor Sebastian Duterte at Veronica Duterte para hilingin sa Korte Suprema na magpalabas ng kautusan para maibalik sa bansa ang kanilang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kung maaalala, inaresto at dinala ang dating pangulo sa The Hague, Netherlands para sa pagdinig ng kanyang kaso na may kaugnayan sa Crimes Against Humanity.
May kinalaman ito sa umano’y madugong pagpapatupad ng war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Batay sa sagot ng OSG sa resulosyon ng Korte Suprema, binigyang diin nito na legal ang pagsisilbi ng arrest warrant mula sa ICC sa dating pangulo.
Binigyang diin ng OSG na walang legal na obligasyon ang gobyerno sa International Criminal Court.
Hindi rin nito aniya kinilala ang anumang hakbang ng ICC matapos na maging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC noong March 17, 2019.